Artist to Bakerpreneur! The Edgar Mejia Profile

Posted by Edgar Mejia on

Limang dekada at dalawang taon (52 years young), mula sa angkan ng Mejia ng Pasig at Chu-Ching ng Marikina, Rizal. Namulat sa hanapbuhay ng magulang na barya ang binibilang araw-araw at pinalaki sa sari-sari store at panaderya. Laging inuutusan ng matatanda, sumuot sa ilalim ng estante, para mamboso sa mga bumibiling dalaga. Sabay sepo-sepo! Diday ng bata dahil hindi mabigkas ng Ate ang pangalang Edgar!

Lumaki sa kalsada, sa larong patintero, piko, taguan, bahay-bahayan (hipo-hipuan), sipa, basketball at text (yung card, hindi text message huh). Pangalawa sa anim na magkakapatid, Rizza, Dondon, Lou, Fannie at Al. Mahilig gumuhit (kaya Fine Arts ang kinuhang kurso) number 1 fan ang Nanay at pinag-aral pa kay Chinese Artist George Ng, noon pa man tumutulong at sumasama na sa Tatay pag nenegosyo ng Jukebox, Videogames at kung ano-ano pa.

Nag-aral sa Marist School kahit hirap ang magulang sa 250 pesos quarterly tuition, nakapasa sa UP Diliman (Major in Visual Communication/Advertising) bilang Iskolar ng Bayan na noon 900 pesos pa ang isang semester at sa hindi mapigilan pangyayari, nag-asawa sa edad na 17 taong gulang, nakakagulat dahil wala naman syota at pinaka-maitim at panget pa sa tropa, nagka-anak (Jann Eldric) nung 19 anyos na sinundan ng dalawang pang cute na magkakapatid (Jace Lordan at Josh Martin) at naging milyonaryo panandalian nung 21 taon gulang sa negosyong barya-barya din.

Laging panalo sa mga On-The-Spot painting at poster making contest nung Elementary at High School. Awardee nung High School, Excellence in Fine Arts. Topnother sa UP Fine Arts Talent Test kinumpirma ni TOYM awardee sculptor Sajid Imao na lagi rin nyang kalaban sa Art Contest. Editorial writer nung Sophomore (2nd Year) ng College of Fine Arts Newsletter hangang sa nagtapos nung 1992.

Samboy Lim ang idolo sa lokal basketball, FPJ at Robin Padilla sa Pelikulang Pinoy, Angels in the Outfield ang favorite foreign movie (miski 100x nang inuulit, feeling good pa rin), Erap sa pulitika at higit sa lahat pangarap pa ring makitang maglaro si Michael Jordan sa Pilpiinas kahit lolo na!

Nakilala at gumawa ng pangalan sa larangan ng Cellphone Repair taong 1999. Mula sa Germany-based GSM Forum bilang isa sa unang Filipino Super Moderator hanggang sa nagtatag ng unang The All-Pinoy GSM Forum bilang Founder at Administrator nito, gumawa ng pangalan na kailanman hindi mapapantayan. Pinayaman at nakilala muli ng industriyang ito hindi lang sa buong Pilipinas, maging sa ibang bansa. ED2K ng Pilipinas, ED2K ng Marikina, ED2K ng TAPGSM at buong Mobile Phone Community.

Pag tinatanong ng titser ang anak sa school, ano work ng father nyo? Isa lang ang sagot: "cellphone hacker!" Nakapagpundar ng bahay, computer shop business, sasakyan at higit sa lahat ng madaming kaibigan, kumpare, kaaway at nahiwalay sa ina ng kanyang mga anak. Nawalan ng pera... Nagkamali, nagkasala at lubos na nagsisisi.

Nagka-anak sa iba, pero iba ang ina ng mapadpad minsan sa Calamba, Laguna. Katheriner Joy ang name isang magandang bata, na nagmana sa ama ang husay sa negosyo at pagsasalita sa tao.

Pansamantalang napahinga, nagmuni-muni at ng bumalik ay nag negosyo ng Restaurant, natutong magluto, mag-ihaw, maghugas ng plato, maglampaso at siyempre maglaba. "Balang araw, mai-inlove ka rin sa akin!" Talagang na-inlove na yata kay Myra Castillo ng Marilao, Bulacan! Nag-umpisa sa bolahan hanggang naging totohanan. Yes kami na nga, 16 years ago na pala, parang kailan lang 27 pa siya ng makilala.

Bumagsak muli at hindi na akalain makakabangon pa. Ang ika nga ng isang katunggali nya "ilang bundok ang iyong lalakbayin, ilang dagat ang iyong lalanguyin at ilang panganib ang iyong susuuingin, makamit mo lang ang hangad mong yaman?" Hanggang dumating ang isang "kababalaghan" na nagpabago sa kanyang buhay. Muling tumayo para mag negosyo kasama ang nag iisang nagmamahal at nakaramay nya sa hirap at ginhawa... Kahit saang larangan gagawa ng pangalan, legal o ilegal, buy and sell, networking at bilang makataong leader na maasahan.

Nakilalang leader, top earner but still humble learner ng Networking Industry, nagsalita, nagpatunay sa harap ng mga tao."Ang yaman ay madaling maubos pag hindi pinaghihirapan!" Ngayon isang hamak na panadero kasama ang kanyang mentor-upline, Myra bilang panadera ng EM&M Bakeshop.

Naboring. Napagod. Nagturo. Ngayon, isang baking instructor, ang assistant ng Master Baker ni Boss Myra sa EM&M Bread Baking Tutorial Service. Ngayon 2023, halos 10000+ and still counting mula 2015 ang naturuan at natulungan makapagtayo ng bakery at matuto ring mag-bake sa bahay.

Tahimik kadalasan, matapang pag nasasaktan at lalaban pag nasa katwiran.

Tama! 52 years old with 35 years of experience. Wala ng hihigit pa sa pagsubok na pinagdaanan. Maagang namulat sa ganda at hirap ng buhay, pero lubos na nagpapasalamat dahil hanggang sa ngayon hindi binigo ng Diyos sa bawat dalangin na sa araw araw ay maging masaya at maging positibo, ano mang balakid ang kakaharapin.

3 taon hangang 5 taon mula ngayon, nakikinita ang sarili bilang isang ganap na matagumpay at patuloy na magpapatunay na sobrang napakabait ng Panginoon sa kanya.

Ngayon, sa pagpapatuloy ng buhay, isang blessing sa gitna ng pandemya. Isang anghel ang binigay ni Lord matapos ang labing apat na taong paghihintay. Zion Markus Castillo Mejia, pang-lima sa anak ni Edgar at una namin ni Myra.



Nagmamahal sa tunay na nagmamahal at nakaka-alaala sa mga nagaalala, siya bilang asawa, ama, anak, kapatid, partner, kasama sa negosyo at higit sa lahat bilang kaibigan nyo online and offline...

About you nga ito di'ba? Edgardo Ching Mejia, Edgar, Boz ED2K, King at siyempre ang Hon ni Myra at Daddy pa rin ni Jann, Jace, Josh, Katherine at Zion.

I was there and God is always with me.

Updated: 2023 July 13


Share this post



← Older Post Newer Post →

Hello! Interesado ka ba?

Ano po maipaglilingkod namin sa inyo?