AN AUTHENTIC TASTE OF HISTORY

Posted by Edgar Mejia on

Pagdating sa tinapay, lalo na ang mga Filipino Breads, hindi maikakaila na kabisado na mga Pinoy ang lasa nito. Saan dako man tayo ng mundo makarating, hahanap-hanapin natin ang kakaibang amoy at ang tradisyunal na lasa (authentic taste) partikular ang ating kinalakihang at kinasanayang -- Pandesal.

Ilan beses na rin akong natatanong, "Sir saan galing ang recipe n'yo po ng inyong tinapay, lalo na ang Pandesal?" Mahabang istorya, ilang salin-saling kuwento at sobrang daming experimento, yun lang ang sagot ko. Pero kung ang inyong Lolos, Lolas, Titos and Titas ay nanirahan sa Marikina panahong 1950's to 1980's tiyak hindi maikakaila na ang namayagpag at nakilalang mga tinapay noon ay nagmula sa TAPAT BAKERY (tinatag taong 1946 sa Sto. Nino at nalipat sa Kalumpang, Marikina Rizal nung 1949), na pag-aari ng mag-asawang Bonifacio Chu-Ching (D) at Gertrudes TAPAT (D) mga anak, Aweng, Cesar, Gloria, Andoy (D), Toto, Nora (D), Nene, Solly at Ensoy (D). Ang ina naman ni Edgar Ching Mejia (EM&M) ay si Nora Chu Mejia (nasa Picture). Wala pang Metro Manila noon, wala pang mga fastfood chains at malls. Hindi puedeng hindi ka bibili ng sikat na "Monay ni Tuding" pag ikaw ay nagawi sa Marikina.

Wala ng nakapagpatuloy sa mga anak, pamangkin at apo ng panaderya. Naging busy na ang lahat sa kani-kanilang propesyon at mga buhay. Hanggang pinaupahan (Maunlad Bakery) na lang ang puesto, kagamitan at tuluyan ng namaalam nung late '80s.

Makalipas ang ilang dekada biglang sumulpot ang EM&M Bakeshop - October 2012. Nagulat at natuwa ang ilang angkan Chu-Ching. "Ikaw nagmana ng pagbe-bakery ng Lolo Pasyo mo!" Galingan mo sa Pandesal at Monay, sarapan mo, dyan makikilala ang bakery mo!" wika ng panganay na anak (Tita Aweng) kay Edgar. "Saka mo na galingan sa mga matatamis at pang-estante."

"Wala akong maalalang timpla (recipe) ng Lolo mo, taga tinda at bantay lang naman kami sa panaderya ng Nanay mo, basta ang natatandaan ko lang nakaka-200 sako ng harina dati ang Tapat Bakery araw-araw." ang kuwento naman ng isa pa nilang kapatid (Tita Gloria). Ang Pandesal kailangan hindi matamis, kaya nga Pan-de-SALT ito" pahabol nya.

Sa isang okasyon, February 2013, nagdala kami ng aming "bestseller" monay. Pinatikman ko sa aking Tatay, na nag-bakery rin nung 1980's (Nora's Store & Bakery) at ito naman ang kanyang sabi. "Masarap ito, pero malayo sa lasa ng tinda namin dati ng iyong Nanay at sa Lola Tuding mo." Meron siyang pinabago, pinadagdag at pinaalis na mga sangkap, pinaliwanag ang dahilan at tinanong ko, paano sukat ng mga ingredients, paano ang proseso, at paano ang teknik. "Bahala ka na, kapain mo na lang! Basta sundin mo lang ang bilin ko, sasarap at gaganda yang tinapay mo!" dagdag pa niya.

Ngayon (EMMBAKING 101), ang aming recipe ay pinagsamang traditional na timpla at resulta ng maraming trial and error. Hindi naging madali, marami kaming nasayang pero naging makabuluhan ang lahat, dahil sa aming mga palpak ay natuto kami para maging malapit sa perfect ito. Ang aming tinuturo ay mga laban namin sa buhay na walang videos sa Youtube. Lahat tama, lahat totoo at lahat pang-negosyo.

Discover the secret and experience the taste of the Authentic Pinoy breads. Exclusive from EM&M. See you in one of our Bread Baking Training!


Share this post



← Older Post Newer Post →